Thursday, April 12, 2018

Isang Rehiyon, Isang Panitikan, Iba’t Ibang Reyalidad


(Panayam na aking ibinigay kahapon sa “Tertulya sa Panitikan” ng Mindanao State University sa General Santos City)

Noong Setyembre 2017, sa unang anibersaryo ng Cotabato Literary Journal, inilimbag naming mga patnugot ang kuwentong “Kukum” ni Sharmin Tanael, isang tinedyer na nagmula sa Lake Sebu at miyembro ng tribung Tboli. Ang kuwento, na isinulat sa wikang Tboli at may salin sa  Filipino, ay tungkol sa isang binatang inakusahan ng pagpatay sa kaniyang nakakatandang kapatid na babae at sa bana nito. Itinanggi ng binata ang bintang, at sa huling bahagi ng kuwento, inalam kung nagsisinungaling siya o hindi sa pamamagitan ng kmolut libol, isang trial by ordeal o paghuhusga sa pamamagitan ng pagpapahirap. Ipinasawsaw ang kaniyang mga kamay sa kumukulong tubig. Kapag siya ay napaso, nangangahulugan itong siya ang may gawa ng krimen at dapat na parusahan. Kapag hindi siya napaso, nangangahulugan itong wala siyang kasalanan at dapat na palayain.

Ang “Kukum,” na ang salin sa Filipino ay “Batas,” ang pinakaunang kuwento sa Cotabato Literary Journal na isinulat sa isang lumad na wika, at hindi ito ang nag-iisa o ang huli. Nais naming mga patnugot na makahanap pa ng mga katulad na kuwento at iba pang akda, tulad ng tula, awit, at sanaysay. Kaya naman natuwa ako nang aksidenteng nakilala ko ang isang tagapagkuwento na kabilang sa tribung Dulangan Manobo ng Senator Ninoy Aquino, Sultan Kudarat, kung saan ako namamalagi. Hiniling ko sa Manobong tagapagkuwento na isalin niya sa Hiligaynon ang kaniyang uwan o chant upang maintindihan ko. Nang ginawa niya ito, napag-alaman ko, tulad ng aking inaasahan, na ang kuwento ay tungkol sa buhay at mga ninuno ng kaniyang tribu. Ibig sabihin, ang kuwento ay pagmamay-ari ng buong tribu at kailangang kumuha ng free and prior informed consent mula sa kanila bago ito magamit ng tagalabas. Hindi rin ito ang uri ng kuwento na hinahanap namin sa journal. Kaya tinanong ko sa tagapagkuwento kung meron siyang kuwento o tula na kaniya talaga. Muli siyang nag-uwan at isinalin ito sa Hiligaynon. Ang sagot ko, “Kuwento pa rin po ’yan ng buong tribu ninyo.” Sabi niya, may tula raw siya tungkol sa isang ibon at meron pang salin sa Ingles. Binigkas niya ang tula sa Manobo at sa Ingles. Nagtanong ako ng mga karagdagang detalye tungkol sa tula, at napag-alaman ko na tula rin ito ng buong tribu at ang salin sa Ingles lamang ang kaniya. Napagtanto ko na pagdating sa kuwento, malaki ang pagkakaiba ng pananaw ko at ang pananaw ng aking kausap. Malaki ang pagkakaiba ng written literature at oral literature (o ng literature at orality). Nagbabasa at nagsusulat ako ng mga kuwento. Siya naman ay nakikinig at nagbibigkas ng mga kuwento. Malinaw para sa akin kung ano ang kuwentong bayan at kung ano ang kuwentong maaari kong angkinin bilang sariling gawa. Para sa kaniya naman, sa tingin ko, ang pag-aari ng lahat ay kaniya at walang kaniya na hindi nagmumula sa lahat. Hindi lang pala ari-arian at iba pang nahahawakang bagay ang communal sa mga Manobo; maging ang kuwento at iba pang bunga ng kaisipan ay ganoon din.

Hindi nagkaroon ng ganitong kalituhan kay Sharmin Tanael dahil ginawa niya ang kaniyang kuwento sa isang workshop o palihan sa Lake Sebu na ako rin ang tagapagsalita. Isang rason din marahil na nag-aaral siya ng edukasyon sa isang unibersidad sa lungsod ng Koronadal at mas pamilyar siya sa modernong panitikan kaysa sa katutubong panitikan. Bagaman ang kaniyang kuwento ay tungkol sa kultura ng mga Tboli at nakasulat sa wikang Tboli, ang paraan ng pagkukuwento ay hindi nag-ugat sa panitikang Tboli.

Ilang araw matapos kong makausap ang tagapagkuwentong Manobo, nakatuklas ako ng kuwentong Manobo na maaaring magamit ng Cotabato Literary Journal. Ang kuwento ay tungkol sa isang beliyan o shaman na nagngangalang Sambiling Banday, at isinalaysay ito sa akin ni Gila Banday Watamama, ang kaniyang dalawampu’t apat na taong gulang na apo. “Isulat mo para mailabas namin sa journal,” hiling ko kay Gila. Nagustuhan din niya ang ideya kaya pinagbigyan niya ang aking hiling. Nang maisulat na niya ang kuwento ng kaniyang namayapang lolo, naguluhan ako sa ilang bagay. Lalong nasubok ang pananaw ko sa pagkukuwento.

Una, ang kuwento ay nakasalaysay sa first-person point of view. Waring si Sambiling Banday mismo ang nagsulat ng kuwento sa halip na ang apo niyang si Gila. Pangalawa, ang kuwento ay hitik sa pantastikong elemento. Ayon sa kuwento, si Sambiling ay ginagabayan at kinakausap ng isang liwanag na parang sinag ng araw, at nadako siya minsan sa isang yungib na tinitirhan ng mga kakaibang nilalang. Ang mukha ng mga nilalang na ito ay mukha ng baboy, ngunit nakatayo sila kagaya ng tao at nagsasalita ng salita ng tao. Nagkaroon ng utang na loob kay Sambiling ang pinuno ng mga taong baboy, kaya bilang gantimpala, sapilitan niyang ipinaasawa si Sambiling sa kaniyang anak na babae. Ang tanong ko ngayon, saan ko ihahanay ang akdang ito? Fiction ba ito o nonfiction? Maikling kuwento ba ito o sanaysay?

Sa modernong panitikan, kapag ang kuwento ng buhay ng isang tao ay isinulat ng iba, third person dapat ang gamitin para malinaw sa mambabasa na ito ay nonfiction. Ang mga halimbawa nito ay Nur Misuari: An Authorized Biography ni Tom Stern at Six Sketches of Filipino Women Writers ni Cristina Pantoja-Hidalgo. Kapag first person ang ginamit, awtomatikong magiging fiction ang gawa, gaano man ito kalapit sa totoong pangyayari. Halimbawa nito ay ang nanalo ng 2001 Booker Prize na True History of the Kelly Gang ng Australianong si Peter Carey. Isinulat ang nobela na para bang autobiography ito ni Ned Kelly, isang kilalang tulisan na noong 1880 pa namatay. Ganito rin ang istilong ginamit ko sa aking ililimbag pa lamang na nobelang Rajah Muda. Ang mahabang naratibo ay tungkol sa sultanato ng Maguindanao at isinulat kunwari ng isang tagapagmana ng trono ng sultan. Hindi ako nag-eksperimento sa anyo, ngunit ang nilalaman ng kuwento ay pinaghalong talaarawan, tarsila o genealogy records, kasaysayan, at alamat.

Malamang na gumamit si Gila ng first person dahil hindi siya pamilyar sa implikasyon nito sa mundo ng modernong panitikan. Maaari ding impluwensiya ito sa kaniya ng katutubong panitikan. Maaaring sa natatago niyang kamalayan, ang kuwento ay parang awit. Inuulit mo lang ang narinig mo. Hindi mo binabago ang orihinal na komposisyon. Kailangan ko ng mas malalim na pananaliksik tungkol dito. Ano’t anuman, hindi ko maaaring gamitin ang aking nalalaman at nakasanayan para ikahon ang isinulat na kuwento ni Gila. Hindi ko puwedeng ipagpilitang fiction ang para sa kaniya ay walang dudang nonfiction dahil lang sa ginamit na point of view.

Katulad ng nabanggit na, may mga tauhan at pangyayari sa kuwento ni Sambiling Banday na matatawag nating speculative at hindi realist. Para sa mga hindi naniniwala sa mga kababalaghan, imposibleng magkaroon ng pangalawang asawa na baboy ang isang tao. Para naman kay Gila, totoong nangyari sa lolo niya ang kuwento nito. Nakalagay sa kuwento kung kailan nananaginip lamang si Sambiling at kung kailan ito gising at aktwal na nararanasan ang mga kakaibang bagay. Sa muli, hindi ko puwedeng igiit na maikling kuwento ang para sa nagsulat ay isang sanaysay o memoir dahil lamang magkaiba ang aming pinaniniwalaang totoo at hindi totoo. Kaya marahil, kapag inilabas na sa Cotabato Literary Journal ang akdang ito, hindi namin ito lalagyan ng label, tulad ng matagal nang iminumungkahi ng kasama kong patnugot na si M.J. Cagumbay Tumamac.

Iba ang reyalidad ko sa reyalidad ng mga lumad—at maging sa reyalidad ng karamihan sa mga kapwa ko Kristiyano. Lumaki akong Katoliko at naging sakristan sa simbahan, ngunit isa akong atheist ngayon. Nanggaling ako sa pamilya ng mga manghihilot at nagsusuot ng anting-anting, ngunit sa doktor lang ako nagpapagamot ngayon. Hindi ako naniniwala sa kahit anong hindi siyentipiko. Hindi ako naniniwala sa aswang, sigbin, mga dili ingon nato, hiwit, usog, at mga katulad na bagay. Naniniwala ako sa chemotherapy at hindi sa himala. Naniniwala ako sa randomness ng buhay at hindi sa itinakda ng tadhana. Naniniwala ako na ang kaluluwa ay kamalayan lamang na nabuo dahil sa pagpitik ng ating mga neuron, at kapag huminto na sa paggana ang ating utak, maglalaho na rin ang ating kaluluwa. Dahil dito, karamihan sa mga librong binabasa ko ay realist. Naaaliw ako sa mga kuwentong may kinalaman sa kasaysayan, kultura, mga suliranin ng lipunan, at buhay ng tao sa kasalukuyan. Madalang akong magbasa ng horror, fantasy, at science fiction. At ang rebelasyong ito marahil ay kagulat-gulat para sa mga taong pamilyar sa mga sinusulat ko. Marami sa mga kuwento ko ay may kinalaman sa supernatural. Sa katunayan, ang una kong libro ay matatawag na speculative fiction.

Ang Seekers of Spirits ay kalipunan ng siyam na kuwento. Ilan sa mga pangunahing tauhan sa libro ay isang katutubong mandirigma na naghahanap ng makapangyarihang tagabantay upang malabanan ang private army ng isang logging company, magkasintahang tumakas sa isang mapaniil na kaugalian ng kanilang tribu ngunit nahulog sa bitag ng isang masamang nilalang, isang lalaking gumamit ng agimat upang makuha ang babaeng nais niyang mapangasawa, mga albularyo at babaylan na nag-aagawan ng kapangyarihan, isang batang lalaking nagkagusto sa isang babaeng may ipinagbubuntis na pugita, at isang siruhana na gumagamit ng dugo ng baboy at mga ordinaryong bato para linlangin ang mga pasyenteng kaniyang inooperahan.

Ang nais ko talaga ay magsulat ng mga purong realist na kuwento tungkol sa Cotabato Region. Naniniwala kasi ako na ang panitikan ay dapat na tumutulong sa mambabasa upang lalo nilang maunawaan ang buhay. Hindi ko gusto ang mga kuwentong itinatakas ang mambabasa sa kanilang buhay at binibigyan ng maling pag-asa; nabibigo lang kasi sila kapag natiklop na nila ang libro at hinaharap na ang totoong kalagayan nila. Hindi ko sinasabing hindi nakakakatulong sa totoong buhay ang mga nakakaaliw at pantastikong gawa. Naniniwala lang ako na mas madali kong nakakamit ang aking intensiyon sa pamamagitan ng realismo. Ngunit ano nga ba ang reyalidad para sa mga tao sa ating rehiyon? Napagtanto ko na dito sa atin, hindi madaling paghiwalayin ang kababalaghan at ang katotohanan. Sa katunayan, ang kababalaghan ay bahagi ng ating katotohanan. Sa ating mga barangay, sa liblib na lugar man o sa lungsod, kapag may matandang babaeng namumuhay mag-isa o hindi masyadong nakikihalubilo sa mga kapitbahay, agad natin siyang pinaghihinalaang aswang. Lahat siguro sa atin dito ay may kamag-anak na may malubhang sakit na dinala sa isang manggagamot sa halip na sa doktor o pagkatapos dalhin sa doktor. At karamihan siguro sa atin dito ay naniniwalang may mga taong biniyayaan talaga ng third eye o sinapian talaga ng masamang espiritu sa halip na may pinagdadaanang sikolohikal.

Madalas sa aking mga kuwento, ang pinaniniwalaan ng mga tauhan ay hindi ko pinaniniwalaan ngunit nais kong paniwalaan ng mga mambabasa, kaya kahit na pantastiko ang materyal, ang paghabi ko ay lohikal. Pinipigilan ko ang kuwento na masyadong lumayo sa pinanggalingan nito o masyadong lumagpas sa hangganan ng para sa akin ay kapanipaniwala. Dahil sa prosesong ito, itinuturing ko ang aking mga gawa na kakaiba at may kontribusyon sa panitikan. Ngunit ang dating sa iba ng sadya kong pagpipigil ay kakulangan sa imahinasyon. Sa isang pambansang palihan na aking nasalihan, hindi nasiyahan sa aking kuwento ang isang mag-asawang manunulat na parehong kilala sa mga gawa nilang speculative fiction. “Landian mo pa,” ang sabi sa akin ng babae. Sinubukan ko siyang sundin, ngunit mahirap para sa akin ang uri ng paglalandi na iminungkahi niya. Naisip ko nang lumaon na sadyang magkaiba ang aming mga pinanggalingan kaya mahirap para sa kanila ang masiyahan sa aking mga gawa. Ang mga kuwentong kababalaghan na alam ko ay galing mismo sa mga tao sa paligid ko, samantalang ang sa kanila ay galing sa mga Western na libro at nasa modernong fiction na ang anyo. Sabi pa ng lalaki sa isang bahagi ng palihan, lubha raw siyang nadismaya nang makabasa siya ng isang librong ang laman ay mitolohiya ng Pilipinas. Nakakabagot daw ito. Kung may elementong Pilipino man sa mga kuwento ng mag-asawa, pahapyaw lang ang paggamit sa mga ito; ang sensibilidad nila bilang manunulat ay Western at maaaring sabihin na hindi Pilipino.

Ito ang panganib na kinakaharap natin sa mundong pinapaliit nang pinapaliit ng modernong komunikasyon. Lalong lumalakas ang kapangyarihan ng mga dominanteng kultura. Naiimpluwensiyahan tayo ng tagalabas bago pa man natin mabigyang halaga at malinang ang sariling atin. Marami namang magandang dulot ang teknolohiya, at kailangan nating makipagpalitan ng kaalaman sa iba upang lumago ang anumang meron tayo. Ngunit huwag tayong magpalamon. Huwag tayong maging sunod-sunuran. Huwag nating hubugin ang ating mga sarili ayon sa panlasa ng sentro o itaas. Huwag tayong maghintay ng espasyong ibibigay sa atin o makiamot sa espasyo ng iba. Gumawa tayo ng sarili nating espasyo. Ito ang tanging paraan para magkaroon tayo ng totoong kontribusyon sa mundo ng panitikan.

Sa ngayon, ang panitikan ng Cotabato Region ay wala pang sariling pagkakakilanlan. Nakalutang at nakakalat ang ating mga gawa. Tumatahak ng iba’t ibang landas ang ating mga manunulat, at ang marami ay papunta sa sentro o pumapailalim sa itaas. Iilan lang ang ating mambabasa, at inaagaw pa ng mga gawa sa labas ang atensiyon nila. Sa ganitong kalagayan, paano yayabong ang ating panitikan? Heto ang aking mungkahi: Maging bukas tayo sa mga bagong kaalaman at banyagang kaugalian, ngunit manatili tayong nakaugat sa ating kinagisnan. Magsulat tayo tungkol sa ating rehiyon at para sa ating rehiyon. Magsulat tayo tungkol sa ating makukulay na karanasan at masalimuot na kasaysayan. Gamitin natin ang ating mga wika. Higit sa lahat, igalang at isulong natin ang iba’t ibang reyalidad—reyalidad ng mga Kristiyano, reyalidad ng mga lumad, reyalidad ng mga Moro, at reyalidad ng mga ayaw magpakahon sa anumang katawagan.

Ayon sa kuwento ni Gila, dating nakatira ang lolo niyang si Sambiling sa isang pamayanang maraming tao. Nang magkaroon ng labanan, inilipat niya ang kaniyang pamilya sa gitna ng kagubatan, kung saan makakapamuhay sila nang tahimik. Sa ikaanim at ikapitong gabi nila sa kanilang bagong tirahan, napanaginipan ni Sambiling ang isang sinag. Nangako itong tutulungan siya sa pamumuhay dahil mabuti siyang tao. “Ladaben ka,” ang sabi ng sinag. Ang salin ko nito sa Filipino ay, “Umiiwas ka sa gulo.” Ngunit ang literal na salin talaga ay, “Duwag ka.” Mahaba ang naging diskusyon namin ni Gila tungkol sa simpleng pangungusap na ito. Kinailangan ko ring komunsulta sa ibang Manobong kilala ko. Para kasi sa akin—at para sa karamihan sa atin dito—hindi kapuri-puring katangian ang karuwagan. Malaking insulto para sa atin ang matawag na duwag. Ngunit iba ang pananaw ng mga Manobo sa mundo. Iba ang karanasan nila bilang tribu. Meron daw silang kasabihang, “Mas mabuti pang maging duwag kaysa maging matapang.” Ang isang masamang salita sa atin ay mabuti para sa kanila. Iba ang kanilang reyalidad, at dapat natin itong alamin, unawain, at pahalagahan. Kaya ito ang kahilingan ko para sa lahat: Bilang manunulat, nawa’y maging matapang tayo. Bilang mambabasa, nawa’y maging mapanuri tayo. Bilang tao, nawa’y maging duwag tayo.

(Guhit ni Rex Dasig Aguilar, para sa pabalat ng aking librong Seekers of Spirits)

No comments:

Post a Comment